iMINDSPH
![](https://static.wixstatic.com/media/3b9ecd_07e27972eaa94fbdac4cc5356cd8dd98~mv2.png/v1/fill/w_980,h_980,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/3b9ecd_07e27972eaa94fbdac4cc5356cd8dd98~mv2.png)
Siyam na matataas na kalibre ng baril ang nasamsam ng mga sundalo matapos magpatupad ng magkahiwalay na checkpoint sa Maguindanao del Sur, araw ng Huwebes, Pebrero 13, 2025.
Ang paglatag ng checkpoint ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa Datu Abdulah Sangki kung saan sugatan sa pamamaril ang ABC President ng bayan na si Edris Sangki at Barangay Treasurer Abdul Latip.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng isang puting minivan ang mga suspek nang pagbabarilin nila ang dalawang biktima na noon ay nakasakay sa isang motorsiklo.
Agad rumisponde ang militar at nagpatupad ng support to law enforcement operation, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga armas mula sa mga tumakas na suspek.
Sa isinagawang operasyon, narekober ng 33rd Infantry Battalion ang tatlong M16A1 Elisco Colt, isang Colt M16, dalawang M14 rifle, limang bandolyer, mga magasin, at bala mula sa inabandonang puting minivan na natagpuan malapit sa Kaya-Kaya detachment dakong alas-3:00 ng hapon. Ito ay kinumpirma ni Lt. Col. Udgie Villan, pinuno ng 33IB.
Samantala, dakong alas-4:30 ng hapon, nakarekober naman ang 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Loqui Marco, ng isang M653 at dalawang M14 rifle mula sa isang abandonadong bahay sa Sitio Buluan, Barangay Kakal, Ampatuan matapos ang sumbong ng mga residente sa lugar.
Pinuri ni Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force-Central, ang mabilis at epektibong aksyon ng mga kasundaluhan katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Patuloy na tinitiyak ng 6ID na mas paiigtingin pa ang kanilang operasyon upang mapanatili ang seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa Maguindanao del Sur.
Comments